KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
Payment for Environmental Services: Tulong pangkabuhayan at pangkalikasan
- Details
- Hits: 535
Isinusulong ng ating pamahalaan ang prinsipyo ng sustainable development bilang isang paraan para matiyak ang patuloy nating pag-unlad. Gaya nang aking naipaliwanag noong una, ang sustainable development ay tumutukoy sa development that meets the needs of the present without compromising the ability of future generations to meet their own needs. Sa maigsing salita, dapat tiyakin natin na meron tayong makukuhang materyales o resources hindi lamang para sa kasalukuyan nating pangangailangan kundi maging ang pangangailangan ng mga darating na henerasyon. Ito ang ginagawa ng Climate Change Commission sa mga Ecotown sites gaya sa Siargao Island. Para matiyak ang sustainable development dito, kailangan ang epektibong resource management o tamang pangangasiwa sa likas na yaman sa Siargao. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng Payment for Environmental Services o PES.
Sa PES, binibigyan natin ng insentibo ang isang pamayanan para patuloy nilang alagaan at payabungin ang ecosystem sa kanilang lugar. Mahalaga ang ecosystem dahil sa pakinabang na ibinibigay nito sa atin. Dito nanggagaling ang tubig na ating iniinom at pagkain; pinipigil din nito ang baha, pagkontrol sa sakit, at klima; nagbibigay din ito ng libangan o pasyalan; at pinanatili nitong mataba ang lupa, nililinis ang tubig, pumipigil sa lupa at maraming pang iba para mapanatili ang maayos na kondisyon ng buhay sa mundo.
Sa pamamagitan ng insentibong ito, inaasahan natin na maiiwasan ang pamumutol ng mga puno sa kagubatan. Sa halip, mapangangalagaan pa ito. Aanihin lamang ang mga tinatawag na non-timber products gaya ng rattan, baging, resin, atbp. Bukod diyan, pwede rin magtanim ng mga cash crops gaya ng gulay, kamote at mga prutas na magbibigay sa pamayanan ng dagdag na kita. Sa gayon, hindi matutuyo ang ilog na pinagkukunan ng tubig ng mga tao sa kabayanan at maiiwasan ang sakuna gaya ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang insentibong ibibigay sa komunidad ay manggagaling sa tinatawag na Users’ Fee o Environmental Fee na ibabayad naman ng mga makikinabang sa pag-aalaga ng komunidad sa ecosystem. Sa pamamagitan din ng PES, makatutulong tayo para mabawasan ang kahirapan na karaniwan na makikita sa mga maliliit na isla o komunidad sa ating bansa.
Inaasahan natin na sa ipatutupad nating PES sa Siargao, ito ay para makapagbibigay ng dagdag na pagkakakitaan, gaya ng ecotourism, sa mga mamamayan sa naturang isla. Ang Siargao ay naiikutan ng mangrove forest na umaabot sa may 8,600 ektarya. Tunay na naiibang karanasan ang paglilibot sa mangrove areas ng Siargao kung saan makikita ang iba’t ibang uri ng ibon at halaman. Bukod sa kanyang mangrove forest, maraming mga baybaying lugar na nalalatagan ng puting buhangin ang dinarayo ng mga turista. Sikat din ang Siargao bilang Surfing Capital ng bansa at dito rin ginagawa ang taunang Siargao Invitational Game Fishing Competition. Inaasahan natin na sa pamamagitan ng PES, makatutulong tayo para maging matatag ang ekonomiya at ecosystem ng Siargao Island sa harap ng banta ng climate change.
Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC. Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.
---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
July 24, 2012