KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Banta ng climate change sa kalusugan

Sa isang ginawang pag-aaral ng Intergovernmental Panel on Climate Change* (IPCC) na may kinalaman sa pagtaas ng pangdaigdigang temperatura at ulan, ipinakikita ang isang kondisyon na pwedeng magpakalat ng sakit. Sinasabi ng IPCC na lalong pinabibilis ng climate change ang pagkalat ng mga sakit dahil sa ang mas mainit na temperatura ay nagpapalawak sa lugar na tirahan o pinamumugaran ng mga hayop, insekto at mga organism na nagdadala ng sakit. Kasama na rin diyan ang ang mga sakit na naisasalin sa pamamagitan halimbawa ng lamok (vector-borne diseases) o kaya’y sa pamamagitan ng daga.

Ang mga uri ng sakit na galing sa mga maiinit na bansa ang isa sa mga dahilan ng maraming pagkamatay sa buong mundo.  Ang diarrhea, malaria lamang ay pumatay ng may 2 milyong tao noong 2002. Ang West Nile Virus, cholera at Lyne disease ay kumakalat na rin sa North America at Europe. Ang matinding pagbaha, bagyo, tag-init, at pagkasunog ng mga kagubatan, ang dahilan ng paglago ng fungi na pinamamahayan ng mga insekto. Ang humahabang tag-init na pinuputol nang malakas na ulan ay pabor naman sa pagdami ng mga insekto at daga. Ang matinding pagbabago ng panahon sa Latin America at Asia ay nagresulta nang pagkalat ng malaria at mga sakit na nakukuha sa maruming tubig gaya ng typhoid, hepatitis A, bacillary dysentery, at cholera.

Ito ang pinaghahandaan ng ating pamahalaan at ito ay makikita sa Human Security agenda ni Pangulong Benigno Aquino III sa ilalim ng National Climate Change Action Plan (NCCAP).  Pangunahing layunin nito ay ang mabawasan ang panganib, gaya sa kalusugan, sa mga kababaihan at kalalakihan na dala ng climate change. Sinasabi sa NCCAP na ang paghahatid ng mga pangkalusugan at social protection services ay dapat na tumutugon sa mga panganib na dala ng climate change. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kakayahan ng mga health personnel at miyembro ng komunidad ng mga kinakailangang kaalaman sa climate change health adaptation and risk reduction.  Kailangan din na bumuo at magpatupad ng public health surveillance system sa lahat ng probinsiya at maipatupad ang isang health emergency response, preparedness and post-disaster management sa pambansa at lokal na lebel.

Higit sa lahat, kailangan nating panatilihing malinis ang ating kapaligiran.  Sirain o tanggalin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng mga insekto at daga.

(Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44) 

______

*Ang IPCC  ang pangunahing orgnisasyon na gumagawa ng masusing pag-aaral sa climate change.  Ito ay itinatag ng United Nations Environment Programme at ng World Metoerological Organization para magbigay ng malinaw na pananaw sa umiiral na kaalaman sa climate change at ang potensiyal na epekto nito sa kalikasan at kalagayang socio-economic.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
July 17, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17