KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Industriya sa turismo nanganganib sa climate change

Maraming maipagmamalaking pasyalan ang Pilipinas sa mga turista:  mga dalampasigan na nalalatagan ng pino at maputing buhangin, malinaw na karagatan at magaganda at makasaysayang tanawin. Sa katunayan, meron tayong sampung heritage sites na kinikilala ng UNESCO World Heritage Center.  Ang mga ito ay ang Tubbataha Reef National Marine Park, Banaue Rice Terraces, Santo Tomas de Villanueva Church sa Miag-ao, Iloilo, Nuestra Señora de la Asuncion sa Santa Maria, Ilocos Sur, San Agustin Church sa Intramuros, Manila, Church of San Agustin sa Paoay, Ilocos Norte, Puerto Princesa Subterranean River National Park, Vigan, Ilocos Sur, Apo Reef National Park, at ang pang-sampu ay ang Mount Iglit-Baco National Park. 

Sa Travel and Tourism Competitiveness Report 2011 na inilabas ng World Economic Forum, nabanggit dito na ang ilan sa katangian ng Pilipinas na nakaaakit sa mga turista ay ang kanyang likas na yaman:  Ang Pilipinas ay pang-24 sa dami ng World Heritage Sites at pang-40 sa total known species na gustong makita ng mga turista. Dahil sa mga ito, ang industriya ng turismo ay isa sa mga industriya na nagpapasok ng malaking halaga sa atin.   Noong 2010, may naipasok itong US$ 2.25 B sa ating kaban.

Pero, dahil sa climate change, maaaring maapektuhan ang mga ito.  Gaya na lamang ng ating mga dalampasigan na pwedeng malubog sa ilalim ng dagat dahil sa pagkatunaw ng mga glaciers. Ang mga corals sa Tubbataha Reef at Apo Reef National Parks ay pwedeng mamatay dahil sa pagtaas nang temperatura ng dagat. Pwede ring masira ang ating mga lumang simbahan dahil sa lumalakas na bagyo. 

Sang-ayon sa Ocean Heritage Philippines, ang El Niño noong 1997-1998 ay naging dahilan nang malawakang coral bleaching.  Ang coral reef cover ng El Nido, halimbawa,  ay bumaba mula sa dating 60 – 70% hanggang 5 – 10% na lamang pagkatapos ng coral bleaching. Sa kabuuan, ang coral bleaching ay nagpababa sa coral cover ng bansa nang may 49%.

Nasabi ko na rin noon na malaking bahagi ang naiambag ng tao sa climate change.  Gaya na lamang sobrang paggamit ng kuryente na galing sa mga planta na pinatatakbo ng krudo o uling, hindi maayos na pagtatapon ng basura o kaya ay pagsusunog nito.  Kaya naman kailangan nating baguhin na ang ating mga maling kinaugalian, gumawa ng paraan para mabawasan ang vulnerability ng ating ecosystems sa climate change at palakasin ang kanyang ecological resilience sa pamamagitan ng mitigation and adaptation programs.

Bukod diyan, kailangan din natin na pagbutihin ang pangangasiwa at pangangalaga ng ating mga protected at key biodiversity areas, ang mahigpit na pagpapatupad ng ating mga batas pangkalikasan, palakasin ang kapasidad sa integrated ecosystem-based management approach sa mga protected ang key biodiversity areas at ang pagsasagawa ng Natural Resource Accounting. Kaya magtulungan po tayo para maisagawa natin ang mga ito, hindi lamang para sa ikabubuti ng ating industriya sa turismo kundi para na rin sa ating kaligtasan.

(Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44) 
 

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
July 10, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17