KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
Imposible na nga ba? Paglagay ng presyo sa ating likas na yaman
- Details
- Hits: 614
Mas mahalaga ba ang isang nakatayo at buhay na puno ng niyog o kung ito ay puputulin at gagawing coco lumber? O ang bakawan na ginawang panggatong? O ang kabundukan na kinalbo para sa kanyang mga puno? Magkano ang nakahanda ninyong ibayad para makainom nang malinis na tubig? 0 para makahinga nang sariwang hangin?
Ang ideya ng paglalagay ng presyo sa ating likas na yaman (natural Resource Accounting o NRA) ay parang nakatatawa o imposible. Pero ang NRA ay isang paraan para matiyak ang patuloy na supply ng raw materials na kailangan ng industriya at ng tao. Sa NRA, hindi lamang tinitingnan ang kikitain sa paggamit o pagkuha ng isang likas na yaman kundi ang pamamaraan para ito ay mapangalagaan at ang halaga kung ito ay mawawala. Tinitingnan din dito ang iba pa na sa kanya ay umaasa. Halimbawa, kung ang isang pabrika o pagawaan ay umaasa sa isang raw material para sa paggawa ng kanilang produkto, kailangan nitong tiyakin ang patuloy na supply ng raw material na ito. Gayon din, kung ang isang pamayanan o komunidad ay umaasa sa likas na yaman gaya ng kagubatan para matiyak na ligtas at malusog na pamumuhay, mahalaga na mapanatili nila ang kagubatan para matiyak ang isang maginhawang pamumuhay.
Ang NRA ay isa ring pamamaraan para magawa natin ang sustainable economic development. Ang mga tagasuporta ng ideyang ito, isa na ang Pilipinas, ay nagsasabi na mas makapagbigay tayo ng magandang economic decisions kung susundan natin prinsipyo ng NRA.
Kaya naman ang NRA ay ginagawa ng Climate Change Commission sa lahat ng ecotown sites natin. Ito ang magiging gabay ng mga namumuno sa lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagapatupad ng mga programang pang-ekonomiya o pangmamamayan sa kanilang lugar. Gaya halimbawa ng mga waiting sheds. Noon,ang mga puno na nakatanim sa tabi ng kalsada ay pinagpuputol para palitan ng mga waiting sheds. Pero pagkaraan lamang ng ilang taon, sira na ang mga sheds na pinagkagastusan ng malaking halaga. Samantala, kung pinabayaan na lang ang puno, siguradong buhay pa ito at nakapagbibigay din ng lilim sa mga tao at wala pa tayong gastos.
Sa patuloy na pagsulong ng teknolohiya at kaunlaran, higit na nagiging matindi ang pangangailangan sa raw materials na galing sa kalikasan. Sa katunayan, marami ang nagsasabi na ang sobrang paggamit ng mga raw materials at ang unti-unting pagkaubos nito ang dahilan ng patuloy na pag-init ng mundo na nagdadala ng pagbabago ng ating klima. Ang huli ang sinisisi sa malalakas na bagyo, malalang pagbaha at matinding tagtuyot.
Sana, matuto na tayong gamitin nang tama at pangalagaan ang mga biyayang bigay sa atin ng kalikasan. Isaisip natin na ang kanyang kalusugan ay nangangahulugan din ng kaginhawaan sa atin.
(Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC. Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44)
---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
July 02, 2012