KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
Rio+20: Is it “The Future that we Really Want?
- Details
- Hits: 697
Nagtapos na po ang Rio Summit on Sustainable Development (Rio+20) nitong nakaraang June22. Sa pagtatapos ng Summit, pinirmahanng halos lahat ng pinuno ng mga bansang nagsidalo ang isang dokumentong tinawag na “The Future We Want”.
Maraming kasunduan ang nakapaloob sa nasabing dokumento, mga kasunduan na kung inyong titingnang mabuti ay pagpapatibay lamang ng mga dating kasunduan at ito ay makikita sa mga salita sa bagong kasunduan gaya ng “Renewing … “, “Reiterating … “, “Reaffirming …” na ang mga ibig sabihin ay iyun pa ring dati nilang paninindigan. “Recognizing … “, Acknowledging … “, Understanding … “, “Underscoring … “, Noting … “ na ganoon din ang ibig sabihin.
Ano ito? May mapapala ba tayo sa summit na ito? Maibibigay ba nito ang “The Future We Want”? Sana nga.
Unang ginawa ang Rio Summit noong 1992. Ang summit na iyon ang nagbigay buhay sa United Nations Framework Convention on Climate Change, UN Conference on Biodiversity at ang Kyoto Protocol. Ang huli ay masasabi nating siyang nagbigay-daan para maisulong ang pagbabawas ng greenhouse gases (GHG) ng mga bansang nagsipirma sa kasunduang ito.
Kung pagbabasehan natin ang mga nagging resulta ng 1992 summit, at kung iyon pa rin ang gustong ituloy ng mga bansang pumirma sa bagong kasunduan, masasabi nating may pag-asa pa rin tayo na mapanalunan ang laban para sa kalikasan. Iyon nga lang, may kabagalan at talagang may kahirapan sa pagbuo ng isang radikal na kasunduan gaya halimbawa sa pagbabawas ng GHG ng mga major greenhouse gas producers gaya ng US, China, India, atbp.
Pero sa nararanasan nating lumalalang epekto ng climate change, kailangan natin ang mas mapwersa, mas malaman na kasunduan. Sa isang artikulong lumabas sa National Geographic Daily News na may pamagat na “New earth epoch has begun, scientists say”, sinabi doon na maraming siyentipiko ang nagbigay nang nagkakaisang opinion na ang ating mundo (Earth) ay pumasok na sa isang panibagong siglo (epoch). Ayon sa artikulo, ang geologic epochs ng atingmundo ay nangyayari pagkaraanan nang mga tatlong milyong taon. Sa ngayon, nasa ika-11,500 taon pa lamang tayo sa ating kasalukuyang epoch na tinatawag na Holocene Epoch. Pero dahil sa mga pagbabago sa ating kalikasan, sinabi ng mga siyentipiko na napabilis ang pagbabago at tayo ngayon ay nasa tinatawag nilang Anthropocene “New Man” Epoch.
Sa maigsing salita, matindi na ang nagging epekto nang ating mga ginagawa sa ating kalikasan gaya halimbawa ng polusyon, pagkasira ng kagubatan na dahilan ng tuluyang pagkawala ng mga halaman at hayop at ito ay nagbigay ng malaking pagbabago sa pisikal nakaanyuan ng ating mundo. Ito ba ang hinaharap na gusto natin? Na kung pagbabatayan natin ang kasalukuyan nating karanasan ay kakikitaan ng mas malalakas na bagyo, matinding tag-init, pagtaas ng tubig-dagat, pagkalat ng sakit, atbp. Natural, ayaw natin nang ganitong hinaharap. Kaya’t magtulung-tulong po tayo sa paggawa ng mga hakbang para lalong mapalakas ang pagkilos para mabawasan ang epektong climate change.
Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC. Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.
---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
June 26, 2012