KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Kalayaan 2012: Pananagutan, kaya natin

Ipinagdiriwang natin ngayon ang ika-114 taon ng ating kalayaan.  Ang pagdiriwang ay binigyan ng temang “Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Tuwid na Daan”.  Malinaw na gustong iparating sa atin sa pagdiriwang na ito ang mensahe na mayroon tayong responsibilidad o may bahagi tayong gagampanan sa pagbabago na gusto natin sa ating bayan. Iyan po ay makikita hindi lamang sa pamamalakad ng ating pamahalaan kundi maging sa pagsunod natin sa mga programang pang kaunlaran.  Isa na riyan ang isinusulong ng ating pamahalaan na ‘Green Growth’ o iyung pag-unlad na hindi nakasisira sa ating kalikasan na siyang sagot para magkaroon tayo ng tinatawag na sustainable development.  

Ang isa sa katangian ng Green Growth ay ang pag-iwas sa masyadong paggamit ng o masyadong pagiging depende sa paggamit ng likas na yaman (natural resources).  Halimbawa sa pagsasaka.  Isinusulong ng ating pamahalaan ang sustainable farming practices gaya ng paggamit ng mga natural na pamamaraan sa pagtatanim, halimbawa, ang paggamit ng ‘compost’ bilang pataba sa lupa. O kaya ay ang paggamit ng biofuel para sa traktora na gamit sa bukid. Bukod sa malaking katipiran sa panig ng mga magsasaka, mababawasan din ang paggamit ng mga artificial fertilizer na galing sa krudo o mga kemikal na pinanggagalingan ng greenhouse gases (GHG).  Alam ninyo na naman siguro na ang paggamit ng krudo, lalo na para sa pagpapatakbo ng ating mga makinarya, ang dahilan ng pagbabago ng ating klima.  

Kasama na rin dito ang pangangalaga sa mga puno at sa ating kagubatan.  Malaking tulong ang ibinibigay ng mga puno para mapanatiling mataba ang lupa.  Bukod diyan, ang kagubatan ay isang ‘watershed’ na pinanggagalingan ng tubig na napupunta naman sa mga hydro-electric dams. Magkakaroon din tayo ng kasapatan sa malinis, tuluy-tuloy, at abot-kayang  supply ng tubig.

Maging sa loob ng ating bahay, maipakikita natin na kaya nating harapin ang ating pananagutan para sa tuwid na daan sa pamamagitan ng pagiging masinop sa mga biyayang ibinigay sa atin.  Gaya na lang sa pagkain.  Huwag bibili o magluluto nang sobra na kung hindi maubos ay masisira lamang at itatapon.

Sa pahayag ni Pangulong Benigno Aquino bago siya umalis papuntang United Kingdom, kanyang ipinaalam ang kanyang kagustuhan na maging mas makahulugan ang paggunita sa araw na ito.  Dapat, ayon sa kanya, mag-isip tayo ng paraan kung ano ang ating maiaambag sa kalayaang ating tinatamasa ngayon. Hindi iyung kinabukasan ay nakalimutan na ang lahat.  Maraming taon na rin nating ipinagdiriwang ang araw ng ating kalayaan.  Sa pagkakataong ito, isabuhay natin ang kahalagahan at kahulugan ng araw na ito.  Maging responsible tayo sa ating mga kilos.  Matuto tayong pangalagaan ang ating kalikasan dahil sa ang kanyang kalusugan ang susi para marating natin ang mailap na kaunlaran.

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
June 12, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17