KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Rio+20: Mapagsama kaya ang kaunlaran at malusog na kalikasan

Isang importanteng pagpupulong ang gagawin mula June 20-22, 2012 sa Brasil.  Ito ay ang Rio+20 o ang United Nations Conference on Sustainable Development. Unang ginawa noong 1992 sa Rio de Janeiro at tinawag na Rio Earth Summit, ang gagawing pagpupulong ngayon sa Brasil ay pangalawa pa lamang sa loob ng 20 taon.  Ang Earth Summit ang nagbigay buhay sa UN Climate Convention, UN Biodiversity Convention, and Convention to Combat Desertification, at ang Convention on Sustainable Development. Isa sa pangunahing pag-uusapan ngayon sa Rio ay ang pagtulong sa mga bansa para maisakatuparan ang isang green economy habang nilalabanan ang kahirapan at isinusulong ang sustainable development. Ang sustainable development po ay tumutukoy sa development o pagpapaunlad kung saan magkakasabay ang kaunlaran, pagpapabuti sa uri ng buhay at pangangalaga sa kalikasan. Sa maigsing salita, isang maunlad na bansa na may malusog na kalikasan.

Ang mga pag-uusap o negosasyon ay nakatuon sa dalawang usapin:  Paano itataguyod ang green economy para magkaroon ng sustainable development at maiangat ang tao sa kahirapan, kasama na ang suporta sa mga umuunlad na bansa gaya ng Pilipinas, para matukoy nila ang isang green development path; at paanong mapahusay ang international coordination para sa sustainable development.

Malaki ang maitutulong ng pagpupulong na ito sa ating bansa.  Ang green growth o green economic development ang isa sa mga prayoridad ng ating pamahalaan para magkaroon tayo ng tinatawag na sustainable development na magiging daan para mapababa, kung hindi man tuluyang mabura, ang kahirapan sa ating bansa, magkaroon ng tunay na kaunlarang panglipunan, mapangalagaan at mapayabong pa ang ating likas na yaman at mabuhay nang ligtas sa harap ng pagbabago ng ating klima. Ito naman po ay nakabalangkas na sa binuong National Climate change Action Plan (NCCAP) ng Climate Change Commission. Pero para maisagawa ang nilalaman ng NCCAP ay kailangan natin ang suporta na manggagaling sa ibang samahan gaya ng United Nations at ibang bansa.

Kaya nga magpapadala ng delegasyon doon ang ating bansa para isulong ang ating mungkahi, sundan ang mga negosasyon at suportahan iyong mga mungkahi na makatutulong para maisagawa natin ang sustainable development dito sa atin.  Kaya’t ipagdasal natin ang tagumpay nang Rio+20 dahil sa kabutihang maibibigay nito sa atin at sa buong mundo.

Tunay na napakahalaga ng pagpupulong na ito hindi lamang para sa atin kundi sa buong mundo.  Sa katunayan, inaasahang libu-libo ang dadalo dito na kinabibilangan ng mga presidente at prime ministers, mga miyembro ng parliament at kongreso, maging mga punong-bayan, opisyal ng United Nations, mga CEOs ng mga malalaking kompanya, kinatawan ng mga NGO, akademya, sining at iba pang grupo.

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
May 29, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17