KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Project Climate Twin Phoenix: Ang pagbangon muli ng Cagayan de Oro at Iligan Cities

Nakikita pa rin ang pinsalang ibinigay ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at Iligan City.  Ang mga naapektuhang pamilya ay nakatira pa rin sa mga pansamantalang tirahan at nakikita pa rin ang mga nasirang bahay at gusali sa tabi ng ilog ng Cagayan de Oro at Mandulog sa Iligan City.  At para hindi na maulit pa ang nasabing sakuna sa mga nasabing lugar, nagtulung-tulong ang pamahalaan ng Pilipinas, Australia (AusAid), at UNDP (United Nations Development Programme) para sa isang proyekto na tinawag na Project Twin Phoenix.

Ang proyekto ay gagawin simula ngayong Abril 2012 hanggang Hunyo 2014.  Ito ay popondohan ng may P69 milyon. Layunin ng proyekto na maisama sa mga lokal na pagpapalano ang Climate Change Adaptation (CCA) at Disaster Risk Reduction and Management (DRR). Pero para magawa iyan, kailangan magsagawa muna ng isang vulnerability assessment para malaman ang panganib na maaaring nakaabang sa mga lugar na ito gaya ng landslide at pagbaha na masasabing dala ng climate change.  

Nakita at naranasan natin na malaki ang epekto ng mga kalamidad sa mga lungsod o sa sentro ng isang bayan.  Mas malaki ang nawawala dito kasi maraming tao ang doon ay nakatira at naroon din ang sentro ng kalakalan.  Kaya dapat lamang na bigyan ng higit na pansin ang mga ganitong lugar para makaiwas o mabawasan ang pinsala na maaaring ibigay ng mga kalamidad sa tao at sa kalakalan o lokal na ekonomiya.

Ipinagkatiwala po ang pagpapatupad ng proyekto na ito sa Climate Change Commission pero tutulungan po tayo ng isang Project Board na kinabibilangan ng UNDP, AusAid, NEDA, DENR, DOST, DILG, the Leagues of cities and municipalities, NDRRMC, HLURB, MINDA and PCW.  

Sa ngayon, meron na tayong inihahandang study visit para sa may 36 na mayor mula sa iba’t ibagn bayan sa Mindanao.  Pupunta sila sa Albay, Bicol para tingnan at pag-aralan ang programa ng nasabing probinsya sa CCA at DRR.  Makakatulong po natin dito ang UNISDR (United Nations International Strategy for Disaster Reduction).  Para doon sa mga hindi pa nakaaalam, ang Albay, sa pangunguna ni Gov. Joey Salceda, ay kinilala ng United Nations sa magaling nilang programa sa CCA at DRR.  Malaki po ang naitulong ng kahandaan ng Albay sa mga kalamidad dahil sa malaki ang ibinaba ng mga taong nasaktan o namatay nitong mga nakaraang tumamang kalamidad sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng study visit na ito, inaasahan natin na makagagawa rin ng kanilang mga sariling action plans para mapaghandaan ng mga lokal na pamahalaan sa Mindanao ang mga kalamidad na maaaring dumating sa kanila sa hinaharap.  Inaasahan din na magkaroon ng pagtutulungan at pagdadamayan ang mga lokal na pamahalaan sa panahon ng pangangailangan.

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 735-30-69 at 735-31-44.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
April 24, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17