KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering

Likas Yaman: Sagot Nga Ba Sa Kahirapan?

Matagal nang  sinasabi na ang Pilipinas daw ay mayaman sa likas yaman o natural resources.  Ang Pilipinas ay isa sa pinaka “mega-diverse” na bansa sa buong mundo. Ang ibig sabihin nito ay maraming iba’t-ibang klase ng hayup at tanim na dito lamang sa ating bansa makikita.  Maituturing nga itong yaman ngunit bakit nanatili parin ang kahirapan sa Pilipinas? Posible kayang iba lamang ang nakikinabang o di kaya hindi natin ito nagagamit ng husto.

Isa sa pinaka-importanteng likas yaman ay tubig.  Pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang wala pa ring patubig.  Ang mga disyertong bansa tulad ng Israel, Saudi Arabia at Qatar ay walang masyadong tubig ngunit lahat na ng kanilang mamamayan ay may patubig na.   Dahil ang mga bansang ito ay inunang gastusan ang inprastruktura para maayos ang distribusyun sa patubig.  Ang Metro Manila mismo ay hindi pa rin kumpleto ang inprastruktura para sa distribusyun ng patubig.     Kaya kataka-taka na ang Pilipinas pala ay mayaman sa likas yaman pero wala pa tayong imbentaryo ng mga ito.  Habang patuloy tayo ng pagpuputol ng mga gubat, patuloy ang pag-gamit ng tubig at pag papalaganap ng agrikultura at pangingisda, wala pala tayong buong pananaw kung ano at saan itong mga likas yaman na ito at kung may halaga nga ba.  Inumpisahan ito nung panahon ni FVR ngunit natigil sa hindi nalaman na kadahilanan.  Kaya’t sinagawa ulit ngayon ng gobyerno ang “Natural Resource Accounting” kung saan aalamin ang mga likas yaman sa isang lugar tulad ng puno at ang gubat.  Importanteng malaman ang mga ito upang hindi na tayo basta na lamang bigay ng bigay ng mga permiso. Baka maubos na ang mga ito at ang pinaka-malungkot ay mga dayuhan lamang ang nakinabang.  Kaya’t isa sa pinaka-unang utos ng Pangulong Aquino ay ang total log ban dahil alam niya kung gaano ito kaimportante. Ang puno ay napakahalaga dahil malaki ang silbi nito sa ating kapaligiran.  Ang punong kahoy ay tumutulong sumala ng tubig ulan, upang hindi sabay-sabay na umagos ang tubig mula sa kabundukan. Nakakatulong din sa paghina ng tubig pababa sa kapatagan.  Nililinis din nito ang hangin, nagbibigay ng prutas na makakain at kahoy para sa pabahay at iba pa.   Dahil sa Climate Change, mas tumitindi ang importansya ng tubig at kagubatan.  Ayon sa PAGASA,  sa taong 2020, sa panahon ng tag-init, mas iinit pa at posibleng walang ulan. At kung panahon ng tag-ulan, mas dadami ang dala nitong tubig na posibleng sanhi ng mga pagbaha.  Kaya’t ngayon pa lamang dapat pag-aralan na kung pano saluhin ang mga tubig upang magamit sa panahon ng kakulangan.   

Malaki rin ang tulong na naibibigay ng ating mga likas na yaman sa pagpapabuti ng ating ekonomiya.  Ang ating mga puno, agrikultura at pangingisda ay malaki ang konstribusyun sa ating ekonomiya.  Karamihan rin ng ating mga kababayan ay umaasa sa agrikultura pero isa din sila sa pinaka-apektado ng climate change.  Napag-uusapan din ang pagmimina, at ito rin ay likas yaman, ngunit kahit limpak limpak ang maaaring halaga nito,  napaka-liit lang ang nakukuhang buwis ng gobyerno.  Karamihan pa ng klase ng pagmimina sa ngayon ay nakakadumi ng mga tubig sa lawa.  Tubig na kinakailangan din sa agrikultura.  

Kaya naman, naging depende ang ating ekonomiya sa paggamit ng mga likas na yaman na ito. Pinutol ang mga puno para matugunan ang pangangailangan sa kahoy at pinatag at hinukay ang lupa para kunin ang ginto at iba pang mahahalagang metal. Siguro panahon na para pag-aralan muli ang pag-gamit ng ating likas yaman sa pamamagitan ng pag-imbentaryo ng mga ito.

Alam na natin ang kontribusyon  ng likas na yaman sa ekonomiya, pero kung umasta tayo ay parang walang kaubusan ang mga ito.  Nakikita na natin ang epekto sa ating pag-wawalang bahala sa ating likas na yaman. Tulad ng pagkakalbo ng ating mga kabundukan, nawala ang mga hayop at halaman na pinakukunan ng mga materyales na kailangan ng mga pagawaan. Nagkakaroon nang pagguho ng lupa at mabilis na ang pagtaas ng tubig sa ilog at pagbaha tuwing may bagyo. Higit sa lahat, ang pagbabago ng ating klima o climate change ay lalong magpapalubha ng kalagayan ng ating kalikasan at likas na yaman.

Kaya naman, ating isinusulong ang pagsasagawa ng isang Natural Resource Assessment (NRA) para tingnan ang kalagayan ng ating kagubatan, mga baybaying lugar at karagatan, tubig, ang renewable energy potential sa lugar at epekto sa kalusugan. Kaakibat ng NRA ay ang pagtiyak sa “monetary value” ng mga likas na yaman ng isang lugar.    Sa pamamagitan nito, mapag-aaralan nating mabuti kung anong dapat gawin para sa maayos na paggamit ng mga likas na yaman at pakinabangan ito nang husto ng komunidad.  Lumalabas sa mga pag-aaral na mas makabubuting pangalagaan ang mga likas na yaman at payabungin pa para patuloy na matugunan ang pangangailagan ng ating industriya sa raw materials na kailangan para makagawa, halimbawa, ng gamot o pagkain.   Sa tulong ng ating mga katuwang sa pag-unlad, tulad ng US International Agency for Development (USAID), isasagawa natin ang NRA sa lahat nang itatayo nating ecotowns.  Panahon na para tugunan ang kahirapan sa pamamagitan ng tamang pag-gamit ng ating likas yaman.  

Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook, www.facebook.com/pages/Climate-Change-Commission at twitter, @CCCommissionPh.  Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 736-11-71 at 735-31-44.

---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
March 13, 2012

CC Consciousness Week 2011

COP 17