KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
Regalong pang-Valentine’s galing Germany
- Details
- Hits: 854
Isang magandang St. Valentine’s Day gift ang natanggap natin sa bansang Germany. Pinagkalooban ang Climate Change Commission ng halos 167 milyong piso na ayuda sa loob ng 3 taon para patatagin ang kakayahan ng CCC at ibat-ibang ahensiya ng gobyerno sa pagtulak ng mga plano sa pagtugon sa climate change. Unti-unting bumubalik ang interes ng Germany para mag-pundar muli sa Pilipinas pagkatapos humina ito dahil sa Terminal 3 airport. Isa sa mga malalaking kumpanya ng Germany ang kasama sa mga kasuhan at alegasyon ng kurapsyon kaya hindi kaagad natapos ang terminal 3.
Isang malaking pasasalamat ang aming gustong iparating sa Germany sa tiwalang kanilang ibinibigay sa CCC na naatasang magtitimon sa proyekto ito. ‘Ika nga, anong silbi ng plano kung walang kaukulang pinansyal na suporta. Ayaw natin matulad ang National Climate Change Action Plan sa ibang mga plano ng gobyerno na hindi maipatupad dahil sa kakulangan ng suporta. Maliban sa Germany, may mga suporta na rin tayong natanggap galing sa bansang Australia, Korea, Amerika, Spain, European Commission at Japan. Pero malaki ang kakailanganin ng Pilipinas para maibsan ang epekto ng climate change kaya’t maliban sa ating national na budget, kakailanganin din natin ang tulong ng ating mga pribadong sektor. Malaking tulong rin na maalis ang kurapsyon para hindi masayang ang kaban ng bayan.
Ang kampanya laban sa kurapsyon ni Pangulong Aquino ay maituturing na laban din sa climate change, dahil ang perang maisasalba sa mga “buwaya” ay maaaring makadagdag sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa na nasa NCCAP. Hindi na talaga biro ang halaga ng mga pinsala dala ng mga bagyo kaya’t walang lugar ang mga garapal sa laban na ito. Ayon sa PAGASA, titindi pa ang tag-init at tag-ulan sa 2020. Halos walong taon na lamang ang binibilang kaya’t dapat magmadali na tayo sa pagpapatupad ng mga plano.
Tanggap natin na hindi kayang gawin nang sabay-sabay ang implementasyon ng NCCAP, kaya’t uunahin natin ang mga lugar na mahihirap. Sa top ten na listahan ng mga pinakamahirap na probinsya ng 2009, nangunguna ang Zamboanga del Norte at sinundan ng Agusan del Sur, Surigao del Norte, Eastern Samar, Maguindanao, Zamboanga Sibugay, Romblon, Masbate, Davao Oriental at Northern Samar. Apat sa sampu na mga probinsiya na ito ay nasa Mindanao. Sa sampu, ang lugar naman ng Surigao del Norte at Eastern Samar ang madalas daanan ng bagyo. Dahil sa nangyari sa CDO at Iligan dala ng bagyong Sendong , uunahin na rin ang dalawang siyudad para sa pag-aayos ng kanilang mga plano sa land-use at climate risk reduction. Hindi naman nangangahulugan na pababayaan ang ibang probinsya, dahil may mga inisyatibo na rin naman na naumpisahan sa halos lahat ng mga probinsya, mas matututukan lang ang mga nasa top ten poorest.
Sa taong 2012, itataguyod naman ang pagpapalaganap ng kamalayan at magkaroon ng pagpapalitan ng kaalaman sa climate change at kaugnay na usapin sa national, regional at international levels para sa gayun, makatulong sa mabilis na pagpapatupad ng mga hakbang laban sa climate change.
Maganda ang pasok ng taong 2012 dahil sa tulong na galing sa Germany lalo na’t ito ay isang grant, ibig sabihin, hindi natin ito babayaran. Nakikita rin natin na ito ay isang pagkilala sa integridad at kakayahan ng Climate Change Commission sa pangangalaga at paggamit ng mga ganitong suporta. Umpisa lamang ito sa mga magagandang balita na gusto namin iparating sa inyo. Kami sa CCC ay masayang nagsisilbi sa inyo at sana ay matulungan ninyo kaming manmanan ang pagpapatupad ng NCCAP.
Para sa inyong mga komento, maaari po ninyo akong sulatan sa aking e-mail sa lucille.sering@climate.gov.ph o di kaya ay iparating ang inyong mga tanong sa facebook at twitter account ng CCC. Pwede rin ninyo kaming tawagan sa aming opisina sa 736-11-71 at 735-31-44.
---------------
People's Journal TONITE
KLIMA by Sec. Mary Ann Lucille L. Sering
February 14, 2012